Kinumpirma ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ngayong Sabado, Oktubre 5, na tatakbo siya bilang alkalde ng Davao City.
Gayunpaman, sinabi niya na hindi siya tatakbo sa pagkasenador sa 2025 midterm elections dahil hindi raw kayang tanggapin ng kanyang katawan ang matinding kampanya na kaakibat nito.
“You think that I can carry a national campaign at my age or you want me to die? Mag co-collapse na ako n’yan,” ani Duterte.
Una nang snabi ni Senador Robinhood Padilla, na hanggang sa ngayon ay hinihimok pa rin nila si dating pangulong Duterte at isa sa mga anak nito na tumakbo bilang senador sa 2025 midterm elections.
Si Padilla ang kasalukuyang pangulo ng Partido Demokratiko Pilipino-Lakas ng Bayan (PDP-Laban) Duterte wing.
Ayon kay Padilla, maghihintay sila ng desisyon ng mag-amang Duterte hanggang sa huling araw ng paghahain ng kandidatura sa pagkasenador sa Oktubre 8.
Samantala, nang matanong si Padilla hinggil sa edad ni dating pangulong Duterte, sinabi nito na mas nanaig pa rin ang wisdom o karunungan.