Arestado si dating Police Colonel Royina Garma at anak nito na si Angelica Garma Vilela sa San Francisco, California, USA noong November 7, ayon sa Department of Justice (DOJ). Kinumpirma naman ito ng Philippine National Police (PNP) at Department of Interior and Local Government (DILG).
Ayon kay PNP PIO Chief & Spokesperson PBGen. Jean Fajardo, batay ito sa pakikipag-ugnayan nila sa sa directorate for intelligence ng PNP.
Sa ngayon, naka-ditene na raw sa US immigration si Garma at ang anak nito.
Wala pang impormasyon ang pambansang pulisya kung ano ang basehan ng pag aresto pero paglilinaw ni PBGen Fajrdo, walang hold departure order na inisyu ang korte kay Garma at ni-release na ito sa kustodiya ng Congress kaya nakalabas ng bansa.
Maliban pa rito, wala rin daw naisasampang kaso laban kay Garma sa ngayon.
Maaalalang isa si Garma sa mga tumestigo sa umano’y EJKs at reward system sa kampanya kontra ilegal na droga noong administrasyon ni dating pangulong Rodrigo Roa Duterte.
Samantala, ayon kay Secretary of Justice Jesus Crispin “Boying” Remulla, inatasan na niya si Commissioner Joel Viado na pangunahan ang pagpapauwi kay Garma mula Amerika pabalik ng Pilipinas.
Umaasa ang DOJ, na sa kabila ng lifting ng congress ng contempt order nito, ay makikipagtulongan pa rin si Garma sa nagpapatuloy na imbestigasyon ng Gobyerno hinggil sa mga isyung kinakaharap ng war on drugs campaign noon ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte