Naniniwala si dating presidential legal counsel Atty. Salvador Panelo na napilitan lamang si dating Philippine Charity Sweepstakes Office(PCSO) General Manager Royina Garma, kasunod ng tuluyan niyang pagbaliktad sa kaniyang testimonya.
Ayon kay Panelo, mistulang minadali at hindi maayos ang ginawang affidavit ni Garma na kaniyang binasa noong huling pagdinig ng Quad Committee.
Idinetalye ng batikang abogado ang umano’y mga pagkakamali na nakasaad. Una sa listahan ay ang sinabi ni Garma na tinawagan siya ni dating PRRD noong May 2016.
Ayon kay Panelo, kuwestiyionable ito dahil sa posibleng hindi pa nahalal si Duterte noong panahong iyon.
Pangalawa dito ay ang sinabi ni Garma na hindi siya bahagi ng Davao Model na ginamit sa drug war sa national level. Kuwestiyon ni Panelo kung paano alam ni Garma ang detalye ng Davao model kung hindi siya naging bahagi nito?
Tinukoy din ni Panelo ang ilang beses na pagsasabi ni Garma ng mga katagang ‘narinig’ niya o ‘sinabihan’ siya habang isinasalaysay ang kaalaman niya sa drug war ng nakalipas na administrasyon.
Giit ng batikang abogado, lahat ng ito ay nagpapatunay na pinilit o tinakot ang dating Criminal Investigation and Detection Group official bago ang kaniyang testimonya.
Binigyang-diin pa ng dating presidential spokesman na kasalukuyang naka-detene si Garma at ito ay maaring nakapag-kompromiso sa kaniyang mga testimonya.
Maaari aniyang sa pressure ay pinagbigyan niya ito upang hindi mapasama sa mga mambabatas na nangunguna sa pagdinig.