VIGAN CITY – Dapat na umanong maki-alam si dating Philippine National Police (PNP) Chief na ngayo’y Sen. Ronald “Bato” Dela Rosa upang maresolba ang isyu hinggil sa mga PNP personnel na sangkot sa iba’t ibang isyu na konektado sa iligal na droga, kagaya na lamang ng drug recycling.
Ito ay may kaugnayan pa rin sa pagdinig ng Senado hinggil sa nasabing isyu ngayong araw.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Vigan, sinabi ni Buhay Partylist Rep. Lito Atienza na dapat na umanong maki-alam si Dela Rosa upang maresolba ang nasabing isyu lalo pa’t naisama na ang pangalan ni PNP Chief Oscar Albayalde sa mga kontrobersiyang kinakaharap ngayon ng mga dati nitong tauhan sa Pampanga.
Maliban pa dito, hiniling din ni Atienza na kung maaari ay makipagtulungan umano si Albayalde sa mga Senador sa pag-iimbestiga sa mga isyung nakakasangkutan ng pangalan nito upang maparusahan ang mga totoong nagkasala at malinis ang kaniyang pangalan kung wala talaga itong personal knowledge sa mga akusasyon laban sa kaniya.
Nauna rito, pinagreresign na ng nasabing mambabatas ang kasalukuyang PNP Chief dahil sa pagkakasangkot ng kaniyang pangalan sa kontrobersyal na drug raid sa Mexico, Pampanga noong 2013.