Tiniyak ni dating PNP Chief Oscar Albayalde ang kaniyang kahandaan sakaling tuluyan din siyang aarestuhin ng International Criminial Court (ICC), kasunod ng unang pag-aresto kay dating Pang. Rodrigo Duterte.
Una nang inilutang ni ICC Assistant to Counsel Kristina Conti ang posibilidad ng paglabas din ng warrant of arrest laban kay dating Police Director at ngayo’y Senator Ronald Dela Rosa at Albayalde kasunod ng paglabas at pag-isyu ng warrant ng dating pangulo.
Sa isang panayam, sinabi ni Albayalde na naghahanda rin siya sa anumang posibleng mangyari.
Kung isusuko man siya ng gobiyerno aniya, wala siyang ibang magagawa.
Gayonpaman, nanindigan ang dating PNP Chief na pinagsilbihan niya ang pamahalaan ng halos 38 taon, at kung ito ang magiging sukli ng gobiyerno aniya, wala siyang ibang magagawa.
Naniniwala rin ang heneral na isang masamang precedence ang pag-suko sa kanila dahil kung kaya lang silang isuko sa kabila ng kanilang naging sakripisyo, paano pa kaya aniya ang mga ordinaryong mamamayan
Si Albayalde ay dating nagsilbi bilang PNP Chief noong kalagitnaan ng termino ng dating pangulo.
Ipinag-patuloy din niya ang malawakang kampaniya laban sa iligal na droga na dating sinimulan ni Sen. Dela Rosa.