-- Advertisements --

Gagawing tracking teams ang mga dating miyembro ng Philippine National Police (PNP) drug enforcement units (DEU) na siyang tututok sa mga street crimes partikular sa riding in tandem.

Ayon kay PNP director for operation Camilo Cascolan, ito ang bagong kautusan ni PNP Chief Gen. Ronald Dela Rosa kasunod sa pag-buwag ng PNP sa lahat ng police drug enforcement units sa buong bansa.

Ayon kay Cascolan, maraming DEU personnel ang naka-assign sa mga presinto mula sa 1,756 municipalities sa buong bansa, bukod pa sa mga sa 82 provincial offices, limang district offices, at 18 Regional offices ng PNP.

Sinabi ni Cascolan na bibigyan ng PNP ng option ang mga team leaders ng mga unit na ito na panatilihin ang kanilang mga teams upang maging isang special tracking unit.

Maari din umanong i-disband ang mga teams at pabalikin na ang kanilang mga tauhan sa kani-kanilang mother unit.

Giit ni Cascolan, magkaroon ng panibagong vetting ng mga miyembro ng mga tracking teams na ito upang masiguro na walang masamang record ang mga pulis na kasama dito.

Naunang inihayag ni Dela Rosa na ibubuhos ng PNP ngayon ang kanilang atensyon sa mga street-crimes, kasama na ang mga riding-in-tandem.