VIGAN CITY – Payag ang dating namamahala sa Philippine National Police – Special Action Force (PNP- SAF) na mabuksan muli ang imbestigasyon sa nangyaring Mamasapano Massacre noong January 25, 2015.
Maaalalang 44 na SAF commandos ang namatay sa nasabing operasyon upang supilin ang Malaysian terrorist at bomb-maker na si Zulkifli bin Hir alyas Marwan at mga kasamahan nito sa Mamasapano, Maguindanao.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Vigan, ipinaliwanag ni dating PNP- SAF chief Getulio Napeñas na pabor itong mabuksan ang imbestigasyon sa nasabing massacre kung mayroong mabubuong independent commission na tututok dito.
Binigyang-diin ni Napeñas na kung mga pulitiko umano ang mag-iimbestiga sa nasabing pangyayari, malaki umano ang tsansa na puro kasinungalingan pa rin ang lumabas sa imbestigasyon at posibleng lalo pang madiin ang mga kagaya nitong dating opisyal ng PNP nang mangyari ang karumal-dumal na massacre.
Kung maaalala, dahil sa nasabing massacre, na-relieve sa puwesto si Napeñas at kalaunan ay nagretiro ito sa serbisyo at sinampahan pa ng kaso.