-- Advertisements --

Kinumpirma ni Senador Ronald “Bato” Dela Rosa na si dating Presidential Spokesperson Harry Roque na ang legal counsel niya at ni dating Pangulong Rodrigo Duterte kaugnay ng kasong kinakaharap nila sa international criminal court (ICC).

Magugunitang una nang inihayag ni Dela Rosa na kinuha niya si Senador Francis Tolentino bilang kanyang abugado kaugnay ng ICC case.

Ayon kay Dela Rosa, abala si Tolentino sa kanyang re-election pero tutulong pa rin daw ito sa kanyang kinahaharap na kaso. 

Aniya, may napag usapan na sila ng abugado niyang si Roque tungkol dito pero hindi na niya ito ibinahagi pa sa media.

Gayunpaman, muli namang tiniyak ng Senador na haharapin niya ang imbestigasyon ng ICC at hindi siya magtatago kung papayagan ng gobyerno na papasuking sa bansa at mag-imbestiga.

Kaugnay nito, iginiit ni dela rosa na hindi siya magpapaapekto sa kanyang re-election bid sa 2025 dahil lamang sa kanyang kasong kinakaharap sa International Criminal Court (ICC) kaugnay sa war on drugs. 

Pabiro namang sinabi ng Senador na kung sa The Hague, Netherlands man siya makulong ay ‘text text’ na lamang kung sakaling maupo ulit siya sa Senado.

Gayunpman, kinumpirma ni dela rosa na tapos na ang kanyang sleepless nights at tanging alam ng Diyos aniya kung ano ang makabubuti sa kanya ito man ay humantong sa pagkakabilanggo.