Binatikos ni dating presidential spokesman Salvador Panelo si Department of Justice (DOJ) Secretary Jesus Crispin Remulla matapos ang pahayag ng huli na maaaring makipag-usap ang Pilipinas sa Internationa Criminal Court (ICC) ukol sa imbestigasyon drug war ng nakalipas na administrasyon.
Ayon kay Atty. Panelo, dapat ay umalis na sa pwesto si Remulla at iba pang miyembro ng gabinete ni Pang. Ferdinand Marcos Jr. ayaw nila sa naunang pahayag at polisiya ng pangulo ukol sa International Criminal Court (ICC).
Iginiit din ng dating Presidential Legal Counsel na malaking kahihiyan sa kasalukuyang pangulo si Remulla at ang iba pang komokontra sa opisyal na posisyon ni Marcos ukol sa ICC.
Bilang mga alter ego ng presidente, nararapat lamang aniyang tumalima ang mga ito sa polisiya ng pangulo ngunit nararapat ding mag-resign na kung hindi sila komportable sa posisyon ng pangulo o kung kokontrahin man nila ang polisya nito.
Kasabay nito ay nanindigan si Panelo a tama si Pang. Marcos sa kaniyang pagsasabing walang hurisdiksyon ang ICC sa Pilipinas.
Aniya, ang pagpasok ng ICC at mistulang paglalagay nito sa Pilipinas sa ilalim ng kaniyang hurisdiksyon ay mistulang pag-insulto sa teritorial integrity at soberanya ng bansa.
Kahapon(Jan. 24) ay una nang sinabi ni Justice Secretary Remulla na may ilang aspeto na pwede o kayang makipag-tulungan ang Piliipnas sa ginagawang imbestigasyon ng ICC.
Ikinatwiran ng kalihim na ang kooperasyon ng Pilipinas sa mga international tribunal ay pinapayagan sa ilalim ng batas ng Pilipinas lalo na at labas-pasok ang mga kinatawan ng ICC sa bansa.
Unang umalis ang Pilipinas mula sa Rome Statute noong 2019 kasunod ng pag-anunsyo ng ICC na mag-iimbestiga ito sa umano’y mga extrajudicial killings sa ilalim ng drug war ni dating Pang. Rodrigo Duterte.