Binatikos ni dating presidential spokesperson Atty. Harry Roque ang mga miyembro ng Kamara de Representantes na dating sumusuporta kay Vice President Sara Duterte ngunit tuluyan ding sumuporta sa impeachment complaint laban sa pangalawang pangulo.
Sa isang pahayag kasunod ng pagkaka-impeach ni VP Sara sa Kamara, inisa-isa ng abugado ang ilang mga mambabatas na aniya’y dating kaibigan at dating sumuporta kay Duterte.
Isa sa mga binanggit ni Roque ang aniya’y mga kinatawan ng Cebu na sumuporta sa impeachment maliban lang sa dalawa.
Paliwanag ng dating tagapagsalita ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte, dating taga-Cebu ang pamilya Duterte ngunit lumipat lamang ang mga ito sa Mindanao, ilang dekada na ang nakakalipas.
Tinawag din ni Roque ang ilang mga mambabatas na dati umanong ‘sipsip’ kay VP Sara ngunit tuluyan ding sumuporta sa kaniyang impeachment.
‘Matapos ang milyong-milyong mga Pilipino ang nagtipontipon laban diyan sa impeachment na ‘yan, ang mensahe ay nais namin ang kapayapaan ayaw namin ng gulo ay ‘yang impeachment na ‘yan nang gulo abay ‘yang mga kongresista na ‘yan when the head at bumoto para i-impeach si inday Sara,’ ani Roque sa kaniyang social media post.
Batay sa kopya ng mga lagda ng mga mambabatas na sumuporta sa impeachment, kabilang sa mga Cebu representatives na sumuporta ay sina 2nd District Rep Eduardo Rama, 7th District Rep. Peter John Calderon, 4th District Rep Janice Salimbangon, 1st District Rep Rhea Gullas, 5th District Rep. Duke Frasco, at 6th District Rep Daphne Lagon.
‘Alam mo pinaka nalulungkot ako diyan ay yung mga taga Cebu, kase yung mga Duterte naman taga Cebu ‘yan eh -eh lahat sila pumirma execpt sa dalawa lang na kongresista yung isa do’n naalala ko kapatid pa ni Governor Gwen si Pablo John Garcia hindi pumirma pero yung dati talaga super sipsip kay VP Sara,’ dagdag pa nito.
Ayon pa kay Roque hindi nito maintindihan kung bakit marami pa rin sa mga ‘loyalista’ o sumusuporta kay VP Sara ang pumirma sa impeachment, gayong tapos na ang deliberasyon sa pondo at tiyak nang may pondong nakalaan sa kani-kanilang distrito.
Giit ni Roque, marami kasi sa mga mambabatas ang nababahala na baka hindi sila mabigyan ng pondo kung hindi nila susuportahan ang impeachment.
‘Ang hindi ko maintindihan alam ko may pera diyan, pero ang punto naman tapos na yung kongreso, last session day na nila ‘yan tapos election na kumbaga na approved na yung budget na meron na silang kubra, so ‘wala nang risk…and tapos na yung budget eh,’ saad ni Roque.