-- Advertisements --

ROXAS CITY – Balik-bilangguan ang 32 anyos na drug personality matapos mahuli sa ikinasang drug buybust operation ng mga kasapi ng Provincial Drug Enforcement Unit (PDEU) ng Capiz Police Provincial Office at Station Drug Enforcement Unit (SDET) ng Roxas City Police Station sa New Road, Barangay Banica, Roxas City.

Kinilala ang naaresto na si John Kirk Amoroso ng Bangbang Street, Barangay 2, nitong lungsod.

Narekober sa posesyon ni Amoroso ang 11 sachets ng shabu, P500 na marked money, pouch na may lamang P2,805 cash , P5,500 na boodle money at isang motorsiklo.

Inamin naman ng suspek na gumagamit ito ng ilegal na droga ngunit pinasinungalingan nitong sa kaniya ang nakuhang mga shabu.

Nabatid na noong buwan ng Hulyo 2019 lamang nakalabas ng bilangguan si Amoroso sa pamamagitan ng plea bargaining agreement.