Hindi na umano ipinagtataka ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte ang napakaraming dating kaalyado na bumaliktad at nagbago na ng alyansa.
Ayon kay Duterte, ganito ang tunay na takbo ng buhay kalimitang umiikot sa pansamantalang alyansa, marupok na pagkakaibigan, at pagkakaibigang walang matatag na pundasyon.
Bilang isang pulitiko aniya, hindi na nakakapagtaka ang ganitong mga pangyayari dahil mistulang normal na ito sa buhay-pulitika.
Marami rin aniyang ganitong nangyari bago pa man siya naging pangulo ng bansa.
Maalalang sa pagsisimula ng panunungkulan ni Duterte bilang pangulo ng Pilipinas ay kaliwa’t-kanan ang umanib sa kaniyang partido na PDP-Laban. Kinalaunan ay tuluyan ding lumipat ng partido ang marami sa mga ito.
Sa kasalukuyan ay nagsisilbing Chairman si dating PRRD habang VC si dating Energy Sec. Alfonso Cusi. Si Sen. Robin Padilla naman ang umuupo bilang presidente ng naturang partido.