Inilulutang ni dating House Speaker at Davao del Norte 1st District Rep. Pantaleon Alvarez ang muling pagtakbo ni dating Pang. Rodrigo Duterte sa pagkapangulo.
Ito ay sa kabila ng 1-term (6years) limit na probisyon ng saligang batas na nagbabawal sa re-election.
Ayon sa matalik na kaibigan ng dating pangulo, hayaan ang mga tao na mag-desisyon kung mayroon talagang legal issue at hayaan ang mga korte na resolbahin ito.
Naniniwala si Alvarez na ang probisyon ng saligang batas ay para lamang sa re-election ng mga incumbent president habang isang termino na ang lumipas mula nang bumaba si Duterte sa pagkapangulo.
Ayon kay Alvarez, sa kabila ng 13 oras na paggisa ng mga mambabatas kay Duterte sa huling House Quad Committee hearing ay naipakita pa rin ng dating pangulo ang malakas na pangangatawan at kaisipan.
Inihalimbawa rin ng dating house speaker ang mga senador ng bansa na nagagawang kumandidato matapos ang dalawang magkasunod na termino basta’t pinapalipas lamang ng mga ito ang isa pang termino.
Inihalimbawa rin ni Alvarez si president-elect Donald Trump na bagaman natalo noong 2020 US Presidential Elections ay pinili pa rin siya ng mga botante katatapos na halalan.