-- Advertisements --

Naniniwala si dating Senate President at kasalukuyang Chief Presidential Legal Counsel Juan Ponce Enrile na nabigo ang nakalipas na administrasyon na protektahan ang interest ng Pilipinas sa West Philippine Sea (WPS).

Iginiit ni Enrile na sa kabila ng pagiging malapit ng dating pangulo kay Chinese President Xi Jinping ay hindi pa rin naayos ni Duterte ang gusot sa pagitan ng dalawang bansa.

Aniya, naging mapayapa ang relasyon sa pagitan ng China at Pilipinas noong panahon ng dating pangulo ngunit hindi naman naayos ang national interest ng bansa sa naturang katubigan.

Ayon pa kay Enrile, nananatili ang karapatan ng Pilipinas sa mga isla sa WPS na nasa loob ng teritoryo ng bansa ngunit wala lamang aniyang sapat na pwersa at kakayahan upang piliting kunin ang mga islang ligal na pag-aari ng Pilipinas.

Naniniwala naman ng batikang abogado na maaari lamang hilingin ng Pilipinas ang tulong ng US para maprotektahan ang karapatan nito sa naturang karagatan dahil mayroong 1951 Mutual Defense Treaty na nagtataguyod sa pagtutulungan sa pagitan ng dalawang bansa.

Samantala, sa kabila ng pagiging maliit na bansa ng Pilipinas, umaasa ang dating SP na na darating ang panahon na magagawa ng bansa na harapin ang China at igiit ang karapatan nito sa kabuuan ng WPS.