-- Advertisements --

Kinumpirma ng International Criminal Court na nananatili si dating Pang. Rodrigo Duterte sa kostudiya nito.

Una nang sinabi ni dating Executive Secretary Salvador Medialdea na wala ang dating pangulo sa International Criminal Court Detention Center, kasunod ang kaniyang pagtungo roon upang bisitahin ang naka-deteneng dating pangulo.

Pero ayon sa ICC, nananatili ang dating pangulo sa kostudiya nito sa ICC Detention Center sa Scheveningen.

Ayon naman sa Embahada ng Pilipinas sa Netherlands, hiniling ni dating Pang. Duterte na makausap ang consular officer ng Embahada kung saan nakatanggap sila ng tawag mula sa dating Pangulo dakong 10:44 nitong gabi ng Huwebes oras sa Pilipinas.

Dito ay sumailalim siya sa medical check-up at naging mabuti naman ang lagay ng kaniyang kalusugan.

Humirit din ito sa Registry ng International Criminal Court na magsagawa sana ng Consular visit.

Kasama rin na hiniling ng dating pangulo na kung maaari ay bisitahin siya ng kaniyang mga abogado at miyembro ng pamilya.

Kinumpirma rin ng Embahada na nakausap ng dating pangulo ang dating Executive Secretary Salvador Medialdea na tumatayo rin bilang isa sa mga abogado niya.

Ayon kay ICC Spokesperson Fadi El Abdallah, ang pagsasailalim sa medical check-up kay Duterte ay isang standard practice mara matiyak na protektado ang kaniyang kalusugan.