Inilatag ng dating Punong Mahistrado ng Korte Suprema na si Antonio Carpio ang mga susunod na hakbang na maaaring gawin ng Pilipinas matapos ang pag-hijack ng Chinese forces sa mga bangka ng Pilipinas sa Ayungin shol sa West Philippine Sea noong Lunes, Hunyo 17.
Inirekomenda ni Carpio na palitan ang presensiya ng mga tropa ng ating bansa mula sa Ayungin shoal mula sa military patungo sa civilian at magtayo ng lighthouse na io-operate ng Philippine Coast Guard (PCG) sa naturang shoal saka maglagay ng substation ang coast guard doon at magkaroon ng research center ang UP.
Paliwanag ni Carpio na wala kasing hurisdiksiyon ang international tribunal sa military activities.
Kayat dapat aniya na resolbahin ang technical problem bago maghain ang bansa ng bagong kaso laban sa China sa Permanent Court of Arbitration da The Hague, Netherlands.
Bagamat maaaring subukan umano ng China na ipahinto ang konstruksiyon ng civilian replacement para sa isinadsad na military outpost ng PH na BRP Sierra Madre sa Ayungin shoal, sinabi ni Carpio na maaaring dumulog ang PH sa tribunal at ikatwiran na ito ay isang civilian activity.
Maaari din aniyang humiling ang PH sa US na magpa-eskort sa mga resupply mission para sa mga tropang Pilipino na naka-istasyon sa Ayungin shoal subalit inihayag din ni Carpio na hindi pa kailangan ito sa ngayon.
Inirekomenda din ng dating mahistrado ang pagsasaayos sa ating resupply mission at hinikayat ang mga awtoridad na gumamit ng mas mabilis na resupply vessels, ipagpatuloy ang pagbabawal sa paggamit ng mga baril sa mga komprontasyon gayundin ipagbawal ang pagdadala ng matutulis na armas para maiwasan ang tensiyon.
Dapat din aniyang idokumento ng mga mamamahaya ang resupply missions para malabanan ang posibleng false claims mula sa China.
Ipinanukala din ni Carpio na dapat humingi ang PH ng diplomatikong suporta mula sa mga kaalyado nito na maglabas ng mga statement laban sa mga aksiyon ng China.
Samantala, sinabi din ni Carpio na ang naging hakbang ng pwersa ng China sa ayungin ay labag sa international law dahil ito ay nangyari sa exclusive economic zone ng ating bansa at mayroon ding sovereign immunity ang bansa kayat hindi maaaring sampahan, arestuhin o samsamin ang barkong pandigma ng bansa sa lugar kasama na ang auxiliary vessels.