-- Advertisements --

Naniniwala si dating Supreme Court Justice Antonio Carpio na mahaharap sa matinding legal battle ang kampo ni dating Pang. Rodrigo Duterte, dahil sa kinakaharap na kasong crimes against humanity sa International Criminal Court.

Ito ay dahil na rin sa aniya’y ‘firsthand experience’ ng mga nagsisilbing testigo laban sa kaniya, tulad ng mga nagpakilalang miyembro ng Davao Death Squad(DDS) na umano’y may kaugnayan sa mga patayang ibinibintang sa dating pangulo.

Giit ni Carpio, hawak ng mga ito ang personal knowledge habang isinasagawa ang pagpatay sa utos ng dating pangulo.

Mahirap aniyang sagutin o salungatin ang mga naturang testimonya.

Bagaman kaya ng kampo ng dating pangulo na hamunin o kuwestiyunin ang legalidad ng pag-aresto sa kaniya bago pa man ang nakatakdang pagdinig sa Setyembre 2025, at kahit na ideklara ng korte na iligal ang ginawang pag-aresto, hindi pa rin aniya maaapektuhan ang hurisdiksyon ng ICC.

Paliwanag ng dating Supreme Court justice, walang kinalaman ang ICC sa pag-arestong ginawa o nangyari sa Pilipinas at dahil naisurender na si Duterte(suspek) sa kanila, mananatili ang kaniyang hurisdiksyon sa kaniya.

Una nang iginiit ng legal team ng dating pangulo na kidnapping ang ginawang pag-aresto kay Duterte, hanggang sa tuluyan siyang isinurender sa mga otoridad sa The Hague, Netherlands, kung saan nakabase ang international tribunal.