Naniniwala si dating Supreme Court Senior Associate Justice Antonio Carpio na mahihirapan ang legal team ni dating Pang. Rodrigo Duterte na kwestyunin sa International criminal Court (ICC) ang legalidad ng pagkaka-aresto sa dating pangulo.
Una kasing binanggit ng legal counsel ni Duterte na si Nicholas Kaufman na kukuwestyunin nila ang umano’y ‘unlawful arrest’ na ginawa kay Duterte, para sa posibleng pagkakadismiss sa kaniyang kaso.
Pero giit ni Carpio, kailangang maghanda si Kaufman ng matinding depensa kung ito man ang isa sa kanilang magiging atake, oras na gumulong na ang pagdinig sa kaso ng dating pangulo.
Paliwanag ng dating mahistrado, hindi ikinukunsidera ng ICC ang paraan ng pagkakahuli sa isang suspek at tuluyang pagdala sa kaniya sa The Hague upang sasailalim sa hurisdiksyon ng korte.
Aniya, basta’t nasa huridiksyon nito ang isang suspek, lilitisin ang kaniyang kaso at kailangang sagutin ito ng naturang akusado.
Sa katunayan aniya, kung ibabase sa mga nakalipas na kasong nilitis ng international court, hindi binibigyang-konsiderasyon ng ICC ang paraan ng pagkakahuli sa mga suspek; halimbawa rito ang nangyaring paghuli kay kay Adolf Eichmann, ang German-Austrian official mula sa Nazi Party na sinentensyahan ng parusang kamatayan dahil sa crimes against humanity, crimes against the Jewish people at war crimes.
Paliwanag naman ni retired ICC Judge Raul Pangalangan, ang pagdala kay dating Pang. Rodrigo Duterte sa International Criminal Court bago pa man sinimulan ang pagdinig sa kaniyang kaso ay isang mahalagang parte ng paglilitis.
Bagaman kinukuwestyun ng kampo ng dating pangulo ang paraan ng paghuli sa kaniya, sinabi ni Pangalangan na ilalim ng international criminal law, hindi tinitingnan ang isyu ukol sa kung paano dinakip ang isang indibiwal na may kinakaharap na arrest warrant sa ICC.
Ang mahalaga aniya ay nadala ang naturang indibidwal sa hurisdiksyon ng international court para sa tuluyang paglilitis.