Aabutin ng nasa tatlo hanggang limang taon pa bago maibalik ang dating school calendar gayundin ang summer vacation na Abril hanggang Mayo.
Ayon kay Education Undersecretary Micahel Poa, kailangan kasi na mapanatili ang partikular na bilang ng araw ng pasok sa isang school year kung saan 200 school days o araw ng pasok ang required para sa buong school year.
Kung kayat, bumuo na aniya sila ng isang task force mula sa curriculum strand ng kagawaran para pag-aralan ang posibleng transition period mula sa kasalukuyang school break na itinakda mula Hulyo hanggang Agosto.
Nakikipag-ugnayan na rin aniya ang DepEd sa state weather bureau kaugnay sa naturang proposal na pagbabalik ng dating school calendar na kadalasang nagsisimula sa Hunyo sa kalagitnaan ng mainit na panahon at El Nino phenomenon.
Nauna ng inihayag ni Senate basic education comiittee chairman Sen. Sherwin Gatchalian na napapanahon na para ibalik ang school break sa Abril at Mayo dahil na rin sa bilang ng mga estudyante na nagdusa dahil sa heat exhaustion.
Ang kasalukyang school year ay nagsimula noong Agosto 22, 2022 at nagtapos noong Hulyo 7, 2023.