Inilabas ng dating senador na si Richard Gordon ang kanyang saloobin na hindi umano sapat ang pamimigay lamang ng ayuda sa mga Pilipinong may pangangailangan.
Kung saan, sinabi niyang bagama’t nakakatulong ang ayuda para sa karamihan, kulang pa rin ito kung walang kaakibat na mga programa.
Dagdag pa niya, pinapaasa lamang ng mga lider sa gobyerno ang mga mamamayan dahil sa puro pag-abot ng ayuda ang inihahatid na klasi ng pagtulong.
‘Huwag kayong aasa, nagagalit ako sa bayan natin because mga lider natin pinapaasa tayo. Wala kang pera, bibigyan kita ng pera, nagugutom ka? bigyan kita, abot ng abot,’ ani Richard Gordon, chairman ng Philippine Red Cross.
Iginiit naman ng dating senador at kasalukuyang chairman ng Philippine Red Cross, dapat sinasamahan ng mga programang pangkabuhayan ang mga isinasagawang pamamahagi ng ayuda.
‘Dapat kapag nag-abot ka ng ganun (ayuda) meron kang iiwanan, hindi lang yung wheelchair, makakapagtrabaho sila,’ bahagi ng pahayag ni Chairman Richard Gordon ng Philippine Red Cross.
Kasabay ng kanyang mga inihayag, ibinahagi naman niya ang isinisulong ng Philippine Red Cross na mga livelihood programs.
Ngayong araw kasi ginanap ang pagpapatuloy sa pamamahagi ng daan-daang mga wheelchair para sa mga Persons With Disabilities o PWD.
Dahil dito nagpaabot ng pasasalamat ang mga nakatanggap katulad ni Virginia Abrella, mula sa lungsod ng Valenzuela na sampung taon ng hindi nakakalakad.