-- Advertisements --

Ibinunyag ni dating Iloilo City Mayor Jed Patrick Mabilog sa House Quad Committee ang tangkang pagdawit ng administrasyong Duterte kina dating Senators Mar Roxas at Franklin Drilon sa iligal na droga.

Ayon kay Mabilog, isang mataas na opisyal ng Philippine National Police ang nagtimbre sa kanya ng plano siyang gamitin para ituro sina Roxas at Drilon bilang mga drug lords.

Sinabi ni Mabilog na ang naturang impormasyon ay ibinahagi sa kanya matapos siyang himukin na bumalik sa Pilipinas ni dating PNP chief at ngayon ay Senator Ronald Bato Dela Rosa.

Iginiit din ni Mabilog na pulitika ang dahilan kaya siya isinama sa narco-list at ilang beses na pinagbantaang papatayin ng dating pangulo.

Ito ay dahil pinsan niya aniya si dating Senador Franklin Drilon.

Pinagbintangan din aniya siya na nanabotahe sa pagkawala ng kuryente habang may campaign rally sa Iloilo noon ang kampo ni Duterte.

May galit din aniya sa kanya ang dating pangulo dahil hindi niya ito napagbigyan sa kahilingan na makausap siya noong panahon ng kampanya.