-- Advertisements --

Nanawagan si dating Senador Panfilo “Ping” Lacson kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na iligtas ang Konstitusyon sa pamamagitan ng paggamit ng kanyang line-item veto power sa 2025 budget bill.

Sa gitna na rin ito ng pagtapyas sa pondo ng Department of Education (DepEd) na aniya paglabag sa batas. 

Binigyang-diin ni Lacson na ang pagtapyas sa badyet ng DepEd ay lumalabag sa Article XIV Section 5(5) ng 1989 Constitution na nagsasaad na ang Estado ay dapat na maglaan nang pinakamalaking pondo sa edukasyon. 

Ipinunto ni Lacson ang ginawang pagtapyas ng Bicameral conference committee sa budget ng DepEd sa P737 billion ngunit binuhusan ng pondo ang Department of Public Works and Highways sa P1.113 trillion. 

P12 billion ang nawala sa pondo ng DepEd mula sa P748.6 billion. Binawasan din ang budget para sa Commission on Higher Education at state universities and colleges.

Nadismaya rin si Education Secretary Sonny Angara sa ginawang pagtapyas ng bicam members sa panukalang pondo ng kanyang tanggapan para sa taong 2025 na binawasan ng halos P12 bilyon.

Sa halip na dagdagan, tinapyasan pa na aniya kabaliktaran sa nakagawian ng Kongreso kapag binubusisi na ang budget sa bicam para sa sektor ng edukasyon.