-- Advertisements --

Nagpahayag ng pag-aalilangan si dating Senate President at kasalukuyang Pres’l Legal Counsel Juan Ponce Enrile sa posibleng pagbabalik ni dating Pang. Rodrigo Duterte dito sa bansa.

Ang pag-aalilangan ay sa kabila ng aniya’y pagkabalisa at pagkainip ng marami habang hinihintay ang maagang pagbabalik ng dating pangulo dito sa Pilipinas, bagay na maging siya aniya, ay umaasa rin.

Pero giit ni Enrile, posibleng dati nang tinatarget ng International Criminal Court ang dating pangulo, kahit noong bago pa man siya naging pangulo ng Pilipinas.

Bagaman hindi na ipinaliwanag ng dating senate president ang naturang punto, pinuna niya ang umano’y hindi paghahanda ng kaniyang mga abogado ng mga contingency at malalimang legal defense para sa kaniya.

Para kay Enrile, isa itong palaisipan.

Dahil sa hindi paghahanda ng kaniyang mga abogado sa posibleng kahaharapin ng dating Pang. Duterte, marami tuloy sa kaniyang mga supporter ang aniya’y nangangapa ng suporta para tuluyan siyang makawala sa kasalukuyang legal predicament.

Maalalang sa naunang pahayag ng International Criminal Court ay mayroong 43 docummented killings ang umano’y kinasangkutan ng dating pangulo na siyang pangunahing basehan ng kaniyang kasong crimes against humanity.

Sa 43 na kasong ito, 19 ang sinasabing kagagawan ng Davao Death Squad noong siya pa ang alkalde ng Davao City.