Naniniwala si dating Supreme Courts Sr. Associate Justice Antonio Carpio na ang ginawang pagtutok ng laser ng Chinese Coast Guard sa mga personahe ng Philippine Coast Guard ay isang uri ng Armed Attack at ito aniya ay maaaring gawing dahilan upang i-invoke ang Mutual Defense Treaty sa pagitan ng Pilipinas at Estados Unidos.
Sa isang pahayag, sinabi ni Carpio na pinahihintulutan ng bagong batas ng Chinese Coast Guard ang mga vessel nito na gumamit ng anumang pwersa na kinakailangan upang maipatupad ang kanilang claim na nine-dash line.
Malinaw aniya na paglabag mismo ito sa United Nations Charter na kung saan nagbabawal sa paggamit ng anumang pwersa upang ayusin ang hindi pagkakaintindihan sa pagitan ng mga Estado.
Ipinag-uutos rin aniya ng United Nations Charter na lutasin sa mapayapang negosasyon, mediation at arbitration ang anumang dispute.
Iginiit rin ni Carpio na ang paggamit ng Military grade laser na maaaring makapag-dulot ng permanente o temporaryong pagkabulag ay kabilang sa mga ipinagbabawal na armas sa ilalim ng 1998 Protocol on Blinding Laser Weapons na kung saan kabilang ang bansang Pilipinas at China.
Pagbibigay linaw pa nito na kung ang isang laser na gagamitin at magkakawsa ng permanenteng epekto ay hindi ito maaaring gamitin bilang isang military weapon.
At kung ito naman ay nakapagdudulot lamang ng temporaryong pagkabulag doon lamang ito pipwedeng gamitin bilang sandatang pang militar.
Gayunpaman, ang laser weapon kahit pa ito ay magdulot lamang ng temporaryong pagkabulag ay kinokonsidera pa rin bilang isang armas na maaaring magamit o gamitin sa isang pag-atake na pasok sa Mutual Defence Treaty ng Pilipinas at United States
Matatandaan na kamakailan lamang ay gumamit ang Chinese Coast Guard ng isang laser na nagdulot ng pansamantalang pagkabulag sa mga tauhan ng Philippine Coast Guard na nagpapatrolya sa West Philippine Sea.