Sunud-sunod na nalasap ng dating top team sa NBA na Cleveland Cavaliers ang apat na pagkatalo, panghuli dito ang 11-point loss na dinanas sa kamay ng Phoenix Suns.
Hindi nakabawi ang Cavs sa 11-point deficit na dinanas nito sa unang kalahating bahagi ng laban kontra Suns sa kabila ng agresibong opensa sa 4th quarter. Tuluyang tinapos ng Suns ang laban sa score na 123 – 112 sa pangunguna ni Kevin Durant na gumawa ng 42 big points.
Unang tinapos ng Orlando Magic ang 16-game winning streak ng Cavs, ilang araw na ang nakakalipas.
Sinundan ito ng Los Angeles Clippers, 132 – 119.
Pangatlo ay ang 123 – 119 na pagkatalo sa kamay ng Sacramento Kings.
Sa kasalukuyan, hawak na ng Oklahoma City Thunder ang pinakamagandang record ngayong season, 58 – 12; habang bumagsak naman sa pangalawang pwesto ang Cavs matapos ang apat na magkakasunod na pagkatalo.
Gayunpaman, nananatili pa rin itong top team sa East, hawak ang kartadang 56 – 14.
Susunod nitong makakalaban ang Utah Jazz, ang pinaka-kulelat na team sa Western Conference.