Binisita ni Western Mindanao Command Chief Lt. Gen. Corleto Vinluan, Jr. ang dating training camp ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) sa Barangay Tumanggong, Tungawan, Zamboanga Sibugay, kahapon, April 6,2021.
Nakipagkita si Vinluan sa ilang lider ng MILF gaya nina Commander Suaib Edris, ang Base Commander ng 113th Company, Bangsamoro Islamic Armed Forces (BIAF) ng Moro Islamic Liberation Front (MILF); Barahama Ali, Base Officer at Esmael Mamiscal, representative ng Coordinating Committee on the Cessation of Hostilities-MILF (CCCH-MILF).
Kasama ni Vinluan sa pagbisita ay ang ilang opisyal ng Commission on Elections (COMELEC) na pinangunahan ni Comelec Director at Spokesperson James Jimenes, Comelec Regional Election Director Atty. Wilfred Jay Balisado at Atty. Teopisto Elnas, Jr., Deputy Executive Director for Operations.
Sinabi ni Vinluan ito ang kauna-unahang event na kasama nila ang Comelec.
Ayon sa heneral ang kanilang pagbisita sa Camp Salman ay para tulungan ang nasabing komunidad sa paghahanda sa nalalapit na halalan sa susunod na taon.
Siniguro ni Vinluan na ang Wesmincom at ang pamahalaang lokal ng Tungawan ay nakahandang magbigay ng tulong para security and development aspects ng nasabing komunidad.
Sa kabilang dako, siniguro naman ni Commander Edris na suportado nila ang peace process sa pagitan ng gobyerno at MILF.
Nagpasalamat ang MILF commander sa ginawang pagbisita ni Vinluan at ni Mayor Carlnan Climaco at Comelec officials sa kanilang komunidad.
Layon ng pagbisita ni Vinluan sa Camp Salman para mapalakas pa ang relasyon ng militar at MILF.