CENTRAL MINDANAO – Patay sa pamamaril ang isang kawani ng Commission on Human Rights-Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (CHR-BARMM) at kasama niya sa pamamaril dakong alas 6:10 kagabi sa siyudad ng Cotabato.
Nakilala ang mga biktima na sina Archard Rangan Ayao, 28, binata, dating TV Reporter ng ABS-CBN Cotabato at residente ng Teksing Old Market Brgy. Poblacion 6 Cotabato City.
Binawian din ng buhay ang habal-habal driver na si Pio Golen Orteza, 42-anyos, may asawa at nakatira sa Barangay Rosary Heights 4 ng lungsod.
Ayon kay Cotabato City Police Director Colonel Michael Lebanan, lulan ang mga biktima sa isang motorsiklo na minamaneho ni Orteza at pauwi na si Ayao sa kanyang tahanan mula sa tanggapan ng CHR-BARMM ngunit pagsapit nito sa Ramon Rabago Street Brgy Rosary Heights 4, bigla silang dinikitan ng riding in tandem suspects at pinagbabaril gamit ang kalibre .45.
Mabilis namang tumakas ang mga suspek patungo sa liblib na lugar sa Cotabato City.
Ang mga biktima ay kapwa naisugod sa Cotabato Regional and Medical Center (CRMC) ngunit hindi na umabot ng buhay nang magtamo ng tama ng bala sa kanilang ulo.
Sa ngayon ay blangko pa ang mga otoridad sa motibo sa pamamaslang sa mga biktima at patuloy pa silang nag-iimbestiga.