-- Advertisements --

Maghaharap sa isang exhibition match sina dating two-division UFC champion Conor McGregor at World Wrestling Entertainment (WWE) star Logan Paul sa 2025.

Nagkasundo ang kampo ng dalawa na ganapin ang naturang match sa bansang India at maglalaban sa ilalim ng boxing rules.

Mismong si McGregor ang nag-anunsyo sa naturang laban ngunit sa kasalukuyan ay nananatiling limitado pa ang impormasyong inilalabas ukol dito.

Ang tanging idinagdag ng UFC star ay ang kasalukuyan niyang pakikipag-usap sa pamilya ng bilyonaryong si Mukesh Ambani na siyang nag-sponsor sa naturang laban.

Sa kasalukuyan, hawak ni McGregor ang record na 22-6-0. Sa 22 laban na kaniyang naipanalo, 19 dito ay pawang mga knockout.

Si Paul ay isang Youtuber na kamakailan ay pumasok sa boxing. Mula nang pasukin ang naturang sport, apat na beses na siyang lumaban; pinakamalaki rito ay laban kay undefeated champion, Floyd Mayweather Jr.