-- Advertisements --

Muling binalikan ni dating United Nations Special Rapporteur Agnes Callamard ang aniya’y matagumpay na pagtutulungan sa pagitan ng mga human rights advocates, mga abogado, civil society organizations, at mga mamamahayag para tuluyang harapin ni dating Pang. Rodrigo Duterte ang pananagutan sa kaniyang mga nagawa.

Sa isang panayam, sinabi ni Callamard na ang pagkaka-aresto sa dating pangulo ay isang patunay na walang sinuman na mas mataas kaysa sa batas at sinuman ay tuluyan ding mananagot sa akmang panahon.

Binalikan din ni Callamard ang aniya’y serye ng mga human rights violations na ginawa ng administrasyon ni Duterte kung saan ang mga biktima ay matagal na naghanap ng hustisya,

Tinukoy din ni Callamard ang pagkaka-aresto sa dating pangulo bilang tagumpay ng mga biktima ng drug war na nakipagtulungan sa mga abogado at human rights advocates upang maipon at malikom ang mga piraso ng ebidensya na magagamit sa paglilitis sa kaso ng dating pangulo.

Inalala rin ng dating United Nations Special Rapporteur kung paano siya binatikos noon ni dating Pang. Duterte.

Aniya, halos lahat ay inatake ng dating pangulo, kabilang na si dating US Pres. Barack Obama, mga mamamayag, human rights advocates, at maging ang mismong International Criminal Court(ICC).

Maalalang noong 2018 ay tinanggihan ng administrasyong Duterte ang pagpasok ni Callamard upang imbestigahan ang umano’y serye ng pagpatay sa Pilipinas sa ilalim ng iligal na droga.

Ito ay bilang kasagutan sa panawagan noon ng 30 Western countries na payagan ng Pilipinas ang UN na magpadala ng isang imbestigador upang siyasatin ang libo-libong namatay sa ngalan ng drug war.

Ayon kay Callamard, ang pagkaka-aresto sa dating pangulo ay nagbibigay ng panibagong pag-asa sa human rights community upang magpatuloy pa rin sa kanilang trabaho, kahit pa maraming pagpuna o hamon ang kanilang kinakaharap.

Giit ni Callamard, kung hindi niya nagawang imbestigahan ang kontrobersyal na drug war, mayroon pa ring human rights advocates tulad ng ICC prosecutor na nagpursiging mag-imbestiga sa malawakang human rights violation na nangyari sa nakalipas na administrasyon, daan upang tuluyang mapanagot ang mga may-sala, tulad ng dating pangulo.

Sa ganitong prinsipyo, iginiit ni Callamard na ang pagpapaharap sa dating pangulo sa ICC ay tagumpay ng lahat ng mga lumalaban para sa karapatang pantao sa buong mundo.