LAOAG CITY – Inihayag ni Professor Cielo Magno, former Undersecretary ng Department of Finance, ang kanyang pagtutol sa ginagawa ng Department of Finance (DOF) na pagkuha sa sobrang pondo ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth).
Ayon kay Magno, naniniwala siyang labag ito sa batas ukol sa universal health care na nagsasaad na ang pondo ng PhilHealth ay dapat ilaan lamang para mapalawak ang serbisyo ng PhilHealth na kung saan pinapaniwalaan niya na ang hakbang ng ahensia ay taliwas sa mandato ng PhilHealth.
Aniya, ito’y nagiging ebidensya ng kakulangan ng PhilHealth na gawin ang kanilang trabaho na siguraduhin na mas marami sa ating mga kababayan ang makikinabang sa mga benepisyong ibinibigay nito.
Para kay Magno, isang “betrayal” ang pagbabalik ng pondo sa karapatan ng mga Pilipino na magkaroon ng access sa maayos na serbisyong pangkalusugan.
Aniya, hindi sapat ang mga benepisyong ibinibigay ng PhilHealth na sa halip na kunin ng DOF, ay dapat gamitin para palawakin ang serbisyo nito, kabilang na ang pag-cover sa outpatient benefits o ibaba ang premium na binabayaran ng mga mamamayan.
Dagdag pa niya, responsibilidad ng PhilHealth na siguraduhin na nakarehistro ang mga mahihirap, senior citizens, at persons with disabilities (PWDs) na walang kakayahang magbayad ng premium.
Bilang tugon, balak mag-file ng kaso nina Magno at ng iba’t ibang sektor ng mga doktor, health care providers, at mga beneficiaries upang kwestiyunin ang legalidad ng ginagawa ng DOF na pagkuha sa pondo ng PhilHealth para tustusan ang mga proyekto ng pamahalaan.
Samantala, sa nalalapit na State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., nais marinig ni Prof. Magno ang malinaw na programa ng presidente lalo na sa laban kontra korapsyon, gaya ng mga isyu sa Philippine Offshore Gaming Operators (POGO), pekeng birth certificate, at iba pa.