Pinasaringan ni dating US First lady Michelle Obama si dating US president Donald Trump ukol sa aniya’y hindi maayos na pagtrato ng dating pangulo sa black at colored community sa US.
Sa naging talumpati ni Obama sa nagpapatuloy na Democratic National Convention sa Chicago, sinabi nitong sa loob ng ilang taon, walang ibang ginawa si Trump kungdi ang ipinta ang black community bilang masama at hikayatin ang publiko na katakutan sila.
Ang kanya umanong limitadong pananaw sa buhay ay nagtutulak sa kanya upang katakutan ang ilang mga succesful black professionals.
Umani naman ng masigabong hiyawan ang naging talumpati ng dating presidential wife at inabot ng ilang sandali bago nito naipagpatuloy ang kanyang talumpati.
Banat pa ni Obama, sino ang maglalakas-loob na magsabi kay Trump na ang trabaho na kanyang hinahangad na makuha ay isang trabaho na posibleng mas akma sa black community o isang black job?
Magkasamang pumunta sina Michelle Obama at dating US President Barack Obama sa Chicago upang makiisa sa mga Democrats habang isinasagawa ang apat na araw na convention.
Sa naging talumpati naman ni dating President Barack, sinabi nitong nakasalalay sa mga botante ang laban para sa Amerika na pinapanindigan at hinahangad.
Naniniwala si Pres. Barack na magiging tight race ang laban sa pagitan nina Harris at Trump at tanging ang mga botante ang makakapag-desisyon. Pero kasabay aniya ng pagdedesisyon ng mga botante, marami ang posibleng magtatanong kung sino ang lalaban para sa kanilang karapatan at kapakanan.
Giit ni Obama, tiyak na hindi si Trump ang kasagutan dito.
Muli ding binanatan ni Obama ang sumunod sa kanyang pangulo na aniya’y hindi tumigil sa kakareklamo mula noong manalo siya bilang pangulo ng US.
Sunod-sunod aniya na reklamo, hinaing, at kung ano-ano pa ang naririnig mula sa dating pangulo.
Mistulang pinagtawanan din ni Obama si Trump dahil sa umano’y ginagawa nitong mga childish nicknames, weird obsession, at crowd size obsession. Ang mga ito, at iba pang katangian aniya ay mapanganib para sa isang presidente.
Kahapon, unang araw ng Democratic National Convention, una nang nagsalita ang iba pang nagsisilbing lider ng Democrats tulad nina dating Senator at 1st Lady Hillary Clinton, US President Joe Biden, at maging si presidential candidate Kamala Harris.