-- Advertisements --

Butuan City – Nahaharap sa kasong syndicated large scale estafa ang dating bise mayor ng Nasipit Agusan del Norte na naaresto ng pulisya nitong nagdaang gabi.

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Butuan kay P/Maj. Edgar Allan Serquiña Hepe ng Nasipit MPS sinabi nitong pasado alas 9 nitong biyernes ng gabi ay isinilbe ng Nasipit PNP ang alias warrant sa mismong tahanan ni dating Nasipit Vice Mayor Ronald ‘Pusoy’ Timogan residente ng Brgy. 3 Nasipit, Agusan del Norte.

Nilinaw ng opisyal na “no bailbond recommended” ang kasong estafa na isinampa ng mga biktima ng dating ino-operate na Forex investment scam ng suspect.

Ayon kay P/Maj. Serquiña, Setyembre 26 nang inilabas ang alias warrant ni Timogan na kaagad naman nilang isinilbi dahil nagtatago na umano ito sa lungsod ng Butuan.

Sa ngayon ay kasalukuyang nasa isang pribadong pagamutan ang dating bise mayor matapos na tumaas ang blood pressure nito ng isilbi ang warrant ng kapulisan.

Kung kaya’t hinintay nalang ng Nasipit PNP na maging stable na ito upang madala na nila pabalik sa nasabing lungsod at para sa itinakdang pagturn over nito sa Agusan del Norte Provincial Jail.