Hindi ikinukunsidera ni dating Vice President Leni Robredo bilang isang malaking isyu ang muli nilang pag-uusap ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Ayon kay VP Leni, naging maikli lamang ang kanilang pag-uusap at kumustahan ni PBBM. Napansin din umano ni Robredo na natuwa si PBBM noong nagkausap sila.
Kwento ni Robredo, inimbitahan siya ni Senate President Chiz Escudero sa Sorsogon upang makasama niyang salubungin si Marcos sa kaniyang pagbisita sa Bicol Region.
Sa katunayan aniya, marami silang kasama na kasalukuyang opsiyal, senador at mga kongresista bago ang pagdating ni Marcos ngunit may mga hinahabol din silang mga appointment kaya’t hindi na nila nahintay ang pangulo.
Tanging siya, si dating Senator Bam Aquino, Cong. Camille Villar, at SP Escudero na lamang aniya ang naiiwan noong dumating si Marcos.
Giit ni Robredo, walang anumang isyu sa naging pag-uusap nila ni Marcos bagkus ito ay pagbibigay lamang aniya ng respeto sa lider ng bansa.
Ipinaliwanag din ni Robredo na kailangan na niyang umalis kaagad noong dumating na si Marcos dahil sa hinahabol niyang commitment sa Naga City kung saan siya kumakandidato bilang alkalde.