CAGAYAN DE ORO CITY – Binaril-patay nang malapitan ng isang armadong suspek ang Indigenous People Mandatory Representative (IRMR) o mas kilala bilang datu sa Sitio Manlubaynon, Brgy. Dominorog, Talakag, Bukidnon.
Kinilala ni Bukidnon Provincial Police Office spokesperson P/Cpt. Jiselle Longgakit ang biktima na si Datu Bulbulaton Gabriel Ocum, residente sa nasabing bayan.
Sinabi sa Bombo Radyo ni Longgakit na dumalo ang biktima kasama ang asawa nito na si Judith Ocum sa lamay ng kaniyang kaanak sa tribal hall nang binaril ng malapitan ng hindi kilalang suspek.
Nagtamo ng ilang tama ng bala mula sa hindi tukoy na baril na ginamit ng suspek dahilan sa agaran nito na pagkasawi.
Tumanggi naman ang opisyal na banggitin ang dahilan o motibo kung bakit pinatay ang biktima habang nagpapatuloy ang imbestigasyon.
Sa hiwalay naman na panayam kay 403rd Infantry Brigade, Philippine Army commander Col. Eduardo de Leon na personal ang dahilan at hindi kagagawan ng rebeldeng New People’s Army kung bakit pinatay ang biktima.