-- Advertisements --

CENTRAL MINDANAO – Isinailalim na sa state of calamity ang bayan ng Datu Montawal, Maguindanao dahil sa nararanasang pagbaha.

Ayon kay Datu Montawal Municipal Disaster Risk Reduction Management Office (MDRRMO) Officer Balumol Kadiding na umaabot sa 5,212 pamilya ang naapektuhan ng baha mula sa 10 barangays.

Dahil dito nagpasa ng resolusyon ang sangguniang bayan batay sa rekomendasyon ng tanggapan ng MDRRMO na isailalim sa state of calamity ang bayan ng Datu Montawal.

Pinaburan naman ni Datu Montawal Mayor Datu Ohto Montawal at Vice-Mayor Datu Vicman Montawal ang resolusyon ng SB.

Ang nararanasang pagbaha sa Datu Montawal ay dahil sa pag-apaw ng Pulangi river dulot ng malakas na buhos ng ulan dahil sa sama ng panahon.

Rumaragasa rin ang tubig-baha mula sa Bukidnon at Agusan river kung saan bumagsak sa bahagi ng Maguindanao at North Cotabato.

Sa ngayon ay namahagi na ng tulong ang mag-amang Montawal sa mga residente ng binahang Barangay sa Datu Montawal, katuwang ang BARMM at provincial government.