-- Advertisements --

Ligtas na ang kalagayan ni Datu Piang Vice Mayor Omar Samama matapos ang pamamaril sa kaniya nitong Lunes, Feb. 26, 2025.

Sa isang statement na inilabas ng pamilya ng bise alkalde, nakasaad dito na ang ‘out of danger’ na ang opisyal, at patuloy na nagpapagaling mula sa mga sugat na tinamo matapos ang pamamaril.

Maalalang kasalukuyang nagsasalita sa isang local event sa Datu Piang ang bise alkalde nang binaril siya ng hindi pa nakikilalang gunman.

Nakuhanan pa ng video ang pangyayari kung saan tuluyang bumagsak ang opisyal at hindi na natapos ang kaniyang speech.

Agad din siyang dinala sa ospital para sa agarang lunas.

Pagtitiyak ng pamilya sa mga suporter ng bise alkalde, stable na ang kaniyang kalagayan at inaasahang tuloy-tuloy na ang kaniyang paggaling.

Patuloy pa ring inaalam ang motibo sa naturang krimen, kasama na ang pagtukoy sa pagkakakilanlan ng gunman.

Una na ring kinundena ng Bangsamoro Ministry of Interior and Local Government ang naturang pamamaril, kasabay ng paghimok sa publiko na maging mapagmatyag at makipagtulungan sa imbestigasyon ng mga otoridad.