DAVAO CITY – Marami na ang nabiktima ng mga hindi pa nakikilalang mga kalalakihan na agad na lamang umanong nanghahampas sa mga taong nakatambay sa gilid ng mga kalsada.
Ang mga suspek sa panghahampas ay ang mga kalalakihang nakasakay sa mga motorsiklo habang suot ang kanilang helmet.
Dalawa ang pinangyarihan ng insidente ng panghahampas kung saan apat na lalaki umano ang namulabog sa mga tambay sa Agdao Area nitong lungsod ng Davao habang lima naman ang mga responsible sa Sasa Area.
Gamit umano ng mga suspetado sa panghahampas ang hose, dos por dos at buntot ng pagi.
Dahil sa nasabing pangyayari, tanging sa social media na lamang ipinalabas ng mga biktima ang kanilang galit maging ang mapait na karansan sa kamay ng mga lalaking de motor.
Nagtamo ng mga pasa sa iba’t-ibang parte ng katawan ang mga biktima.
Kung maalala noong 2006 ay may nangyari na ring parehong insidente kung saan pinaghahampas ng mga binansagang “Davao Bunal Squad” ang mga kabataan na naglalagala sa dis oras ng gabi.
Mariin namang itinanggi ng mga opisyal ng Barangay Sasa na may kinalaman sila sa nangyaring insidente ng panghahampas.
Sa ngayon ay patuloy pang iniimbestigahan ng otoridad ang nangyari.