-- Advertisements --

DAVAO CITY – Nanindigan si Dr. Ashley Lopez, hepe ng Davao City Health Office, na hindi pa dapat tanggalin ang mandatoryong pagsusuot ng facemask lalo na sa mga pampublikong lugar.

Ibinunyag ito ni Lopez lalo na at mayroon pa ring naitatalang kaso ng COVID-19 sa lungsod.

Dagdag pa ng opisyal, para sa proteksyon sa sarili at para sa buong Dabawenyo, mas mabuting ipagpatuloy ang pagsusuot ng facemask bilang bahagi ng minimum public health standards para maiwasan ang nakamamatay na sakit na ito.

Maliban dito, nilinaw ng opisyal na nananatili pa rin ang banta ng COVID-19 sa lungsod.

Matatandaang sinabi ni Davao City Mayor Sebastian Duterte na ipapasa na lang niya sa DOH ang kautusan hinggil sa mga protocol na ipatutupad sa lungsod.

Alinsunod dito, inirerekomendang ipatupad ang “Wearing of Facemask Ordinance” lalo na sa mga lugar kung saan nagtitipon ang mga tao.