-- Advertisements --

DAVAO CITY – Muling nagpulong ang Davao City COVID-19 task force at ang IATF upang pag-usapan ang kasalukuyang sitwasyon ng lungsod partikular na ang patuloy na pagtaas ng active COVID cases.

Itoy matapos muling maitala sa ika-anim na beses ang Davao City na mayroong mataas na bilang ng mga bagong coronavirus infections sa bansa sa loob lamang ng isang araw kung saan 214 new cases ang na-record kahapon November 12, 2020.

Ito ang highest recorded new cases sa loob lamang ng isang araw na umabot ng mahigit 200.

Batay sa Department of Health (DOH) COVID-19 national bulletin na inilathala, nakapagtala ng kabuuang 1,407 new cases, kung saan ang Davao City ang siyang nanguna sa listahan ng mga probinsiya, highly urbanized cities, at independent component cities na mayroong mataas na new COVID cases.

Ang mga bagong kaso ng lungsod ang siyang pinakataas sa buong panahon mula nang isinailalim sa quarantine ang lungsod ng Davao kung ikumpara noong October 23 na mayroong 99 cases, October 26 – 90 cases, November 1 na 148 cases, November 4 may 136 cases, at ang pinakahuli ay noong November 6 na mayroong 129.

Samantala, muling nanawagan naman si Mayor Sara Duterte sa mga taga-Davao na manalangin na magkaroon ng milagro upang tuluyan nang mawala ang nakamamatay na sakit.