DAVAO CITY – Nanindigan ang mga opisyal ng Davao City government na hindi nila pinababayaan ang mga atleta at delegado ng Palarong Pambansa 2019 na ginaganap sa nasabing siyudad.
Una rito, binabatikos ang mga city officials dahil sa umano’y kawalan ng medical personnel sa ground.
Sa isang media conference, tahasang sinabi ni Department of Education (DepEd)-11 spokesperson Jenielito Atillo na walang katotohanan ang nasabing akusasyon at hindi pa raw nito malaman kung saan ito nanggaling.
Paliwanag pa ni Atillo, dalawang beses nang ginanap sa lungsod ang Davao Regional Athletics Association (DavRAA) Meet at nakita raw nilang hindi nagkulang ang local government unit sa pagbibigay ng serbisyong medikal sa mga atleta.
Katunayan aniya ay sa mismong ground na natutulog ang mga medical personnel upang makaresponde agad ang mga ito sakaling kailanganin.
“It’s an injustice really to propagate such information, and from the DepEd side, we are saying that is not correct because we can really see and vividly feel that the efforts of the local government unit is really beyond compare,” ani Atillo.
Sa panig naman ni Davao City Health Office Head Dr. Josephine Villafuerte, may nakaantabay na medical team sa bawat billeting quarters at kumpleto rin umano ang kanilang mga personnel sa mga playing venues.
Ayon naman kay Emmanuel Jaldon ng Davao City Disaster Risk Reduction and Management Office, pangunahin sa kanilang mga pinagtutuunan ng pansin ang mga playing areas kung saan naka-preposition ang kanilang mga tauhan.