Umabot sa 10.1 % positivity rate ang kaso ng COVID-19, ang naitala ngayon sa Davao city. Mas mataas ito kung ikumpara sa 5% na acceptable threshold ng World Health Organization (WHO).
Sa kasalukuyan ang Davao city nakapagtala ng 234 active cases ng COVID-19. Sinabi ni Dr. Margie Culas, OIC ng City Health Office, simula noong Abril 12, 48 cases ang naitala mula sa 449 na isinailalim sa test.
Gayunpaman, ayon kay Culas, karamihan sa mga ito ay asymptomatic at mild cases lamang.
Ibinigyang diin rin ng opisyal na walang garantisado na hindi mahahawaan ng COVID-19 ang mga nabakunahan ,
ngunit kung mahahawaan man ito, makakaranas lamang ng mild symptoms o walang sintomas .
Dagdag pa ni Culas, ilan sa mga posibleng dahilan ng pagdami ng kaso ay ang mga nakaraang kaganapan sa lungsod, tulad ng pagdiriwang sa Araw ng Dabaw at ang pag-obserba ng Semana Santa kung saan karamihan sa mga tao nagtungo sa mga resort.