DAVAO CITY – Inilunsad ng lungsod ng Davao ang Bakunahang Bayan kaninang umaga. Pinangunahan mismo ni DOH OIC Dr. Ma. Rosario S. Vergeire ang unang araw ng Bakunahang Bayan sa Tomas Claudio Health Center na isa sa mga vaccination site sa lungsod.
Pinasalamatan din ni Vergeire ang mga nakiisa sa bakunahan at ang pagsunod sa mga mamamayan sa health protocol, gayundin ang mga health workers sa patuloy nitong pagserbisyo sa kabila ng peligro sa kanilang trabaho.
Kasabay ng pahayag ng opisyal, inanunsyo nito na umabot na sa 101.2% ang vaccination rate sa lungsod, pero hinikayat nito ang mga Dabawenyo na magpabooster na dahil nasa 25% palang ang mga nakatanggap ng booster.
Dagdag pa ni Vergeire na dahil face-to-face na ang mga aktibidad, kailangan ng mabakunahan ang mga kabataan na nasa edad 5-11 anyos at mabigyan ng booster ang lahat, lalo na ang mga bata na nasa 12-17 anyos. Maalalang nitong nakalipas na buwan, iilang variant din sa COVID ang pumasok sa bansa na naging palatandaan na hindi pa insakto ang proteksyon na natanggap ng mga Filipino.
Base sa record sa DOHXI nasa 15.4% pa lang na may edad 5-11 years old ang fully vaccinated at 19.6% naman sa naturang edad ang nakatanggap ng kanilang first dose sa buong bansa.
Sa kabilang dako, kinumpirma ni Davao City Mayor Baste Duterte na napirmahan na nito ang EO hinggil sa voluntary na pagsuot ng face mask sa indoor man o sa outdoor.