DAVAO CITY – Humakot ng maraming gintong medalya ang mga atleta ng Davao City Durians pagkatapos ng unang araw ng Davao Regional Athletic Association o DAVRAA Meet 2023.
Ayon sa partial official results ng torneo as of April 24, alas-5 ng hapon, nakakuha ang Davao City ng 19 gold, 2 silvers, and 7 bronze medals.
Samantala, nasa ikalawang pwesto naman ang Panabo City Banana Magnates na may tigda-dalawang gold, silver and bronze medals.
Nasa ikatlong puwesto ang delegasyon ng Tagum City na may 2 ginto, 8 pilak at 6 na tansong medalya.
Sa kabilang banda, sa isinagawang opening ceremonies ng naturang regional meet noong Linggo, hinimok ni Davao del Norte Governor Edwin Jubahib ang lahat ng mga atleta na panghawakan ang sportsmanship, fairness, at respeto sa isa’t isa sa larangan ng sports.
Ayon sa gobernador, ang pagtitipon ay hindi lamang isang kompetisyon, ito ay isang pagkakataon upang lumikha ng pagkakaibigan, pagyamanin ang goodwill, at patatagin ang pagkakaisa ng mga komunidad.
Umaasa rin ang gobernador na makakalikha ito ng pangmalakasang puwersa na isasabak para sa Palarong Pambansa.
Nagpahayag din ito ng pasasalamat sa mga organizers sa matagumpay na pagsisimula ng torneo ngayong taon.
Ang mga sporting event ng DAVRAA ay tatagal hanggang Abril 28 sa probinsya ng Davao del Norte.