-- Advertisements --

DAVAO CITY – Naghahanda na ngayon ang lungsod ng Davao sa pagdiriwang ng ika-84 na “Araw ng Dabaw” ngunit aasahan na hindi na ito gaya ng nakaraang mga taon dahil nananatili pa rin ang banta ng COVID-19.

Ayon kay Mayor Sara Duterte-Carpio, may plano na ang lokal na pamahalaan ngunit aasahan na lahat ng mga aktibidad ay isasagawa online.

Sinasabing pareho pa rin ito sa Kadayawan Festival noong nakaraang taon kung saan ilan sa mga programa ang ginawa online.

Kung maalala, noong 2020 ay kinansela ng lokal na pamahalaan ang malalaking events ng 83rd “Araw ng Dabaw” dahil sa global outbreak ng coronavirus.

Ilan sa mga programa na maapektuhan ay kinabibilangan ng Pasiugdang Pagsaulog, Reyna Dabawenya, Ginoong Davao, Sayaw Pinoy, Kalingawan sa Sta. Ana, Hudyaka, Mutya ng Dabaw, Pasidungog, Araw ng Empleyado, Kanta Dabawenyo, Parada Dabawenyo, at Datu Bago Awards.

Hindi na nagbigay pa ng dagdag na detalye si Mayor Sara kung ano pa ang aasahan sa Araw ng Dabaw celebration ngayong taon.