Nilinaw ng Davao City Police Office (DCPO) na walang kulay-pulitika ang kautusan nito sa 55 police officer na maglagay ng ‘touch of red’ sa kanilang mga damit kasabay ng pagbabantay sa Alyansa ng Bagong Pilipinas political rally nitong weekend.
Sa isang statement, sinabi ni Davao City police chief, Col. Hansel Marantan na walang ibang kahulugan ang naging kautusan at mananatiling ‘apolitical’ ang Davao city police.
Giit ni Marantan, ang ginawang deployment ay isang standard security measure na walang ibang layunin kungdi matiyak ang seguridad at kaligtasan ng pangulo at iba pang dumalo sa naturang rally, anuman ang political affiliation ng mga ito.
Mananatili aniyang ‘neutral at professional’ ang Davao police sa lahat ng isinasagawa nitong operasyon.
Ang kulay pula ay ang nagsisilbing ‘color motif’ ng partido ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Unang umani ng batikos ang naging kautusan na isang ‘ internal memorandum’ para sa mga operatiba ng Davao City police.
Ayon kay Col. Marantan, ang pagkaka-leak nito at tuluyang pagkaka-post online ay hindi otorisado.
Samantala, ipinaliwanag naman ng COP na ang pagdeploy sa sa 55 police na nakasuot ng civilian attire ay alinsunod sa naging kahilingan ng Police Regional Office 11 (PRO 11) upang tumulong sa Presidential Security Command (PSC) sa araw ng rally.