DAVAO CITY – Idineklara ang class suspension sa mga pampubliko at pribadong paaralan maging sa opisina ng gobyerno ngayong araw matapos ang nangyaring pagyanig ng dalawang lindol sa probinsya ng Davao de Oro kahapon.
Kung maalala, unang niyanig ang New Bataan bandang alas-2:02 ng hapon, at pagkatapos ng lampas labinlimang aftershocks, muli na namang niyanig ng magnitude 5.9 ang New Bataan bandang alas-4:29 ng hapon.
Base sa datos mula sa Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office ng Davao de Oro, limang kalsada ang hindi madaanan, dalawang pagguho naman ng lupa ang nangyari sa Brgy. Luzvimin – Katipunan National Highway habang dalawang probinsya ang nagdeklara ng province-wide suspension of work and classes. Ito ay ang Davao de Oro kalapit na probinsya ng Davao del Norte.
Nakipag-koordina na rin ang Office of the Civil Defense 11 sa mga Provincial Disaster Risk Reduction and Management Offices, Department of Social Welfare and Development at Philippine Institute of Volcanology and Seismology para sa pagmonitor ng mga danyos at epekto ng nangyaring lindol.
Nakadeploy rin ang PDRRMO Davao de Oro’s Response Cluster at iba pang rescue teams sa mga ospital at paaralan.
Kahapon ay agad na pinuntahan nila Governor Dorothy Montejo-Gonzaga at Congressman Ruwel Peter Gonzaga ang Davao de Oro Provincial Hospital sa Maragusan upang tingnan ang sitwasyon ng mga pasyente at upang maasikaso rin ang kanilang mga pangangailangan matapos ang sunod-sunod na pagyanig na naranasan ng probinsya.
Kung maalala, una nang nagtamo ng damage ang nasabing hospital dahil sa nangyaring lindol noong Pebrero 1.
Sa kabilang banda, agad na nagdeklara ng suspension si Maragusan Mayor Angelito Cabalquinto sa mga opisina ng gobyerno.
Sinuspinde rin ng Provincial Government ang lahat ng aktibidad ng 25th Bulawan Festival simula kahapon hanggang ngayong araw, Marso 8, maliban na lamang sa Foundation Day Program at Banal na Misa.