DAVAO DE ORO- Nagpapatuloy ang monitoring ng Provincial Health Office ng Davao de Oro tungkol sa natalang iilang kaso ng Hand, Foot and Mouth Disease sa probinsya.
Ayon kay Dr. Antonio Ybiernas, Provincial Health Officer, natala ang pinakamaraming kaso ng HFMD sa lungsod ng Laak na aabot na sa 141 na mga kaso as of February 11.
Habang 55 kaso naman ang natala sa Nabunturan; 52 sa New Bataan; 50 sa Maragusan; 40 sa Mabini; 29 sa Montevista; 18 sa Compostela; 12 sa Monkayo; 9 sa Mawab; 8 sa Maco; at 4 mula sa lungsod ng Pantukan.
Sa kabuuan, aabot na sa 418 ang mga kaso ng HFMD sa boung probinsya.
Dagdag pa ng opisyal, isang malaking hamon ang pagkakaroon ng ensaktong hygiene and environmental practices dahil narin sa kakulangan ng lababo at malinis na tubig partikular na sa lungsod ng Laak.
Kung maalala, madalas mangyari ang hawaan ng HFMD lalong-lalo na sa mga bata dahil na rin sa hindi malinis na lugar.
Maliban dito, kinumpirma rin ni Ybiernas na bumaba naman ang natatalang mga kaso ng HFMD sa ika-anim na linggo ng kanilang monitoring, ngunit hindi pa rin masigurado kung kailan ito dadami ulit.
Sa ngayon ay doble pagsisikap naman ang ahensya at ang probinsyal na pamahalaan ng Davao de Oro na maihatid sa mga residente ang tamang impormasyon lalong-lalo na ang preventive measures laban sa Hand, Foot, and Mouth Disease sa pamamagitan ng pagsasagawa ng education campaign tungkol dito.