-- Advertisements --

DAVAO CITY – Nanawagan ngayon ang lokal na pamahalaan ng Davao de Oro partikular na ang Davao de Oro Provincial Veterinarian’s Office (PVO) sa mga residente na nag-aalaga ng mga baboy na agad ipaalam sa kanilang opisina kung may mga sintomas ito ng African Swine Fever (ASF).

Una ng nagsagawa ng monitoring at surveillance operation ang Davao de Oro Provincial Veterinarian’s Office (PVO) sa Brgy. Kingking, Pantukan matapos makatanggap sila ng report patungkol sa biglaang pagkamatay ng mga baboy sa nasabing mga lugar.

Agad umano silang kumuha ng sample sa mga namatay na baboy at napag-alaman na nagpositibo ito sa ASF.

Maliban sa nasabing lugar, una na rin na nakapagtala ng parehong kaso ang iba pang mga lugar sa Davao region na kinabibilangan ng Davao del Norte, Davao City, Davao del Sur, at Davao Occidental.

Sa kasalukuyan, simulan na ang quarantine measures sa mga identified zones na ipinatupad sa Provincial Local Government Unit (PLGU) Davao De Oro at Municipal Local Government Pantukan.

Nagpapatuloy naman ang isinasawang inventory para malaman ang populasyon ng mga baboy sa lugar kabilang na ang quarantine area at ang posibleng pagsasailalim sa culling sa mga apektadong baboy.