Sa balita lang nalaman ni Davao del Norte Acting Governor De Carlo “Oyo” Uy na itiniwalag na siya ng partido niyang Hugpong ng Pagbabago o HNP.
Ibinunyag ni Uy na hindi siya pormal na sinabihan o kinausap ng HNP sa desisyon nitong alisin na siya sa kanilang partido.
Sa ngayon daw ay hinihintay na niya ang mga dokumento para lalo pang maintindihan ang isyu.
Gayunpaman, iginiit ni Uy na ang kaniyang commitment ay para pagsilbihan ang mga residente ng Davao del Norte kaya kahit umano wala na siya sa partido ay nasa kapakanan pa rin ng kanilang probinsiya ang pokus niya ngayon.
Dagdag pa nito na nagpapasalamat siya sa suporta at dasal na kaniyang natatanggap, dahilan daw para mas tumibay pa ang pagsisilbi niya sa komunidad.
Kung matatandaan, inanunsiyo ng Hugpong ng Pagbabago sa social media nitong Martes ang termination ng membership nina Oyo Uy kabilang na sina Tagum City Mayor Rey Uy, Davao de Oro Vice Gov. Jayvee Tyron Uy, and Davao de Oro first district Rep. Maricar Zamora.
Itinuturong dahilan ng HNP ang kamakailang mga pangyayari at aksiyon na napag-alamang taliwas daw sa core principles at polisiya ng kanilang partido.
Sinabi din ng partido na ang kanilang desisyon na alisin ang apat na miyembro nito ay hindi naging madali dahil sila ay valued members umano ng kanilang partido.