-- Advertisements --

DAVAO CITY – Naghahanda na ngayon ang lalawigan ng Davao del Sur sa pangunguna ni Governor Cagas para sa natakdang pag-uwi ni Tokyo 2020 silver medalist Nesthy Petecio.

Sa panayam ng Bombo Radyo kay Cagas, sinabi nito na nakipag-ugnayan na sila sa kanilang mga department heads kung ano ang mga dapat gawin para lamang matuloy ang aktibidad na hinahanda ng lalawigan sa pagdating ni Nesthy.

Umaasa na lamang ngayon ang opisyal na hindi tataas ang bilang ng kaso ng COVID-19 sa Davao del Sur para matagumpay nila itong maisagawa.

Inihayag din ng opisyal na sa kasalukuyan, isa sa kanilang mga kinokonsidera ay ang pagsasagawa ng motorcade.

Gagawin umano nila ang hero’s welcome sa munisipiyo ng Davao del Sur ngunit maghihintay pa ito ng rekomendasyon sa Provincial Health Office (PHO) lalo na at aabot ngayon sa anim na ang naitalang kaso ngayon ng Delta variant sa Davao region.

Muling inihayag ng gobernador na malaking bahagi ang nagawa ni Nesthy sa kanilang lalawigan at sa buong bansa dahil sa binigay nitong karangalan at naging bahagi ng kasaysayan kung maraming medalya ang naiuwi ng bansa mula sa Olympics.